1993

Titingin ka sa salamin
ang tubig-gripo’y dumadaloy na mistulang putik-luha
sa mukha at mahihinuha mong wari’y
walang nagbago sa mundo
bagamat isang mundo nang pagbabago ang naganap
tulad ng isang pelikulang iyo’t iyo rin ang laging
namamalas:
istoryang gasgas, diyalogong Kenkoy
at ang pagkaburo/pagtulala/pagpatiagos ng loob
sa loob ng dilim habang ang katabing hindi kilala
hindi kailanman mamumukhaa’y tumitili/
sumisinghot/ngumunguya:
ang ngayon ay isang nakalipas at bukas?
Basahin ang naratibo:
ang pagtingin sa salamin sa umaga
sa kwartong balisang nakatulog sa magdamag
sa pagpaparaos ng bawat himaymay
ng sandali na parang tubig na tumatagaktak
upang ang pagtali ng sapatos, pagsuklay ng buhok
pagsindi ng sigarilyo, pagkagat ng tinapay,
paghigop ng kape
ay magpuno ng balon ng bawat sandali
na bunganga ng maligno sa ilalim ng iyong paa
upang ika’y hindi bumulusok/mabitag
ng mga nakagawian nang pagsulyap sa relo
paghanap ng kasalo sa pagkain
at sa buga ng usok ay punan ang lumalawang
katahimikan sa pagitan mo at mga kausap na bumubungisngis/humahalakhak/kumakantiyaw
sa mga artista/akademiko/pulitiko
minahal at mamahalin pa
mga sinulat at susulatin pa
na hindi naman makapagbabago sa takbo
ng iyong kapalaran
sa pang-araw-araw na pagtingin sa salamin
upang alamin kung ilang pigtal na lang ng dahon
ang nasasa iyong sanga
ilang mga pangalan na sinakmal ng lumot ng alaala
ilang taon na ang lumipas at lilipas
at higit sa lahat
kung ang salami’t ikaw ay kambal, iisa
kung sino ang ilusyon, sino ang totoo
kung ikaw ay nasa labas, o nasa loob ng salamin
kung lahat nang ito’y dumadaloy/nangyayari:
ang pagsusulat ng tekstong walang babasa
paghitit ng Marlboro na hindi magsusuob
sa mga mukhang sumusulpot/naglalaho
at kung sino sa inyong dalawa ang sasalubong
sa darating na taon na parang isang kaibigang
nagpupugay sa umaga at isang magnanakaw
na tatalilis sa hatinggabi
pagkatapos ng maikling sandali
ng walang katapusang pakikinig sa radyo
pagtungga ng gin sa kwarto
pagpapadala ng postcard na hindi sasagutin
pag-alaala sa daigdig na hindi tumitinag
sa pagkakatingin sa iyo
na laging umaasang parang asong-kalye
na nauulol-tawa sa sariling kahol.

From Una Furtiva Lagrima, 1993 

Advertisements
This entry was posted in POETRY OF EDEL GARCELLANO, selected by G.Y. Guillermo. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s