Propesor/XIV

“Wala kayong karapatang husgahan ang buhay ko.”
Iyan kadalasan ang kanyang iaasik sa mga talakayan
tungkol sa literatura’t buhay, ang diyalektikal na
relasyon ng salita’t gawa, indibidwal at masa, sapagkat
marami rin, sa kanyang wari, ang lihim na
nagmamatyag/nag-uusap tungkol sa kanyang
matiwasay na pamumuhay.  Ang lahat ng kanyang
tinatamasa—iskolarship, mga paunlak na posisyo’t
biyahe sa mga kumperensya, mga plake ng paghanga
mula sa inampalan ng estado’t mga kabagang sa
ideolohiya—ay nararapat lamang, katas ng pawis,
wika nga; at sinumang kritiko ng kanyang pribadong
buhay ay walang karapatang magwika ng kanilang
winiwika.  Hindi ba sarili niyang desisyon ang
talikuran ang kanyang pagkabimbin sa kampo
bilang isang aktibista?  Ito’y nararapat lamang
sapagkat ang sariling pait ay sariling pait, ang sariling
ligaya ay sariling ligaya. Hindi ba ang samaha’y tigib
ngayon ng hidwaa’t sigalot?  Paano na silang naging
biktima ng konseho, ng maling interpretasyon ng
teksto ni Marx?  Ang kamatayan, hindi ba, ay
buumbuong daranasin lamang niya, siya’t siya lamang
at silang nagmamasid sa kanyang higaa’y hindi
kailanman makababatid sa katotohanang ito:  ang
sarili’t sarili lamang ang naglalakbay sa kawalan.

Mahusay, tiyak ang kanyang mga sagot sa hindi
mabigkas na mga tanong.  Ngunit bakit hindi
maglaho sa kanyang balintataw ang mga matang
nagmamasid, mga kamay na nanduduro sa bawat
sandali ng kanyang pagsulat/pag-ibig/pakikiisa?

From Una Furtiva Lagrima, 1993 

Advertisements
This entry was posted in POETRY OF EDEL GARCELLANO, selected by G.Y. Guillermo. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s